MANILA, Philippines — Ipatupad ang nasimulang hakbang ng bagong general manager ng PTV laban sa anomalya.
Ito ang naging panawagan ng PTV Employees Association (PTEA) sa kinauukulan upang ipatupad na ni PTV General Manager Analisa Puod ang utos ng Commission on Audit (COA) sa kaso ng mga kontrobersyal na Officers-In-Charge ng nasabing network.
“Inaasahan ng aming union ang suporta ni PCO Secretary Cheloy Garafil, base sa aming meeting, tungkol sa pag-aalis ng middle management,” ani PTEA President Florante Gacis.
Base sa dokumento ng COA na ipinadala sa management ng PTV, pinagbabayad ang tatlong OICs ng halagang P3,098,578.26 na sobrang singil sa retrofitting at restrengthening ng transmission tower.
Bukod pa rito ang lampas kalahating milyon na pagsasaayos ng studio switcher sa main office ng network na sinasabing overpriced din.
Ang tatlo ay sina Alex Poncio na OIC ng Engineering Department, Richard Valdez na OIC Station Manager ng PTV Cordillera station at Maria Angela Gatan na OIC ng Public Affairs at Programming. Agad naman na nagpalabas ng memo si Puod noong December 7 matapos makita nito ang COA Order of Execution (COE) at Notice of Disallowances (ND) sa tatlo na noon pang 2014 at 2015 ipinadala ng COA sa PTV.