Dahil sa matinding traffic sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Dahil sa nararanasang matinding trapiko sa Metro Manila, nakahanap ng solusyon ang Quezon City government at pinag-aaralan na nila ang posibilidad na pagde-dedeploy ng mga cable cars sa lungsod para sa mas mabilis na transportation.
Nakipagpulong na si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa French transport company POMA Group na naghahanda ng cable car concept para sa Kalakhang Maynila, batay sa ginawang konsultasyon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa dalawang taong pag-aaral ng POMA Group, maaaring magkaroon ng cable car corridor sa may Marikina River na mag-uugnay sa Marikina City, Quezon City, at Pasig City.
Oras na makumpleto na, ang cable car system ay ikokonekta ito sa Light Rail Transit (LRT)-2 Station sa Santolan at sa Eastwood, Libis area at sa itatayong Metro Rail Transit (MRT)-4.
Ayon sa kumpanya, ang cable cars ay malaking tulong na maibsan ang matinding traffic sa Metro Manila na ang may 30,000 hanggang 40,000 commuters ay bibilis ang paglalakbay sa kanilang destinasyon.
Inimbitahan ng POMA Group si Mayor Belmonte na bisitahin ang Téléo urban cable car system sa Toulouse, France para makita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng cable cars sa komunidad.