MANILA, Philippines — Dalawang turistang Koreano ang nasawi matapos umanong ma-suffocate habang nasa loob ng sauna room sa isang resort sa Mabini, Batangas noong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Major Arwin Baby Caimbon, Mabini Chief of Police ang mga nasawing biktima na sina Sun Tae Kim, 67 at Yun Seok Seo, 63 na kapwa idineklarang dead on arrival sa St. Camillus Hospital.
Gayunman, isa sa kanilang kasamahan na nakilalang si Hak Neung Kim, 59, ay nakaligtas sa insidente na kasalukuyang nagpapagaling sa nabanggit na ospital.
Ayon sa report, kagagaling lang sa outdoor adventure ang mga biktima nang magdesisyong magtungo sa sauna room ng resort pasado alas-12:00 ng gabi na umano’y mga lasing.
Bandang alas-3:00 ng madaling nang magcheck ang resort attendant sa mga guests ay natagpuan ang tatlo na walang malay na nakahandusay sa sahig ng sauna room.