141 PDL ng Manila City Jail, pinalaya

Inianunsyo ng Paralegal Legal Service Section ang paglaya ng mahigit 141 Persons Deprived of Liberty (PDL) dahil sa Good Conduct time Allo­wance (GCTA), at ang iba naman ay nakumpleto na ang kanilang sentensiya.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Pinalaya kahapon ang nasa 141 persons deprived of liberty (PDL) na nakapiit sa Manila City Jail makaraang magkuwalipika matapos na suriin ang kanilang mga kinakaharap na kaso.

Kabilang sa mga inmates na pinalaya ay ang mga may kasong nadismis na, at mga napagsilbihan na ang sentensya na ibinaba sa kanila ng korte.

Pinakawalan rin ang mga preso na nakamit na ang kinakailangang pagsisilbi ng sentensya sa ilalim ng “good conduct time allowance (GCTA)” at TATSM (Teaching, Study, and Mentoring) programs.

Ang GCTA ay pribiliheyo na ibinibigay sa isang inmate para mabawasan ang kaniyang sentensya base sa magandang asal na ipinapakita sa bilangguan, habang ang mga bilanggo naman na nag-enrol sa Alternative Learning System (ALS) ay magkakaroon rin ng “time allowance” sa ilalim naman ng TATSM.

Bahagi ang pagpapalaya sa mga bilanggo ng programa ng Supreme Court at Department of Justice (DOJ) sa “decongestion” o pagpapaluwag sa mga bilangguan sa bansa.

Nabatid na idinisen­yo ang pasilidad ng Manila City Jail para lamang sa 1,100 inmates sa 2.4 ektaryang lupain. Ngunit base sa rekord nitong Enero 2023, nasa higit 5,500 na lalaki at babaeng inmates ang nakaditine dito.

Show comments