MANILA, Philippines — Arestado ang isa sa mga suspek sa pambobomba sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City, kamakailan.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad ang naaresto na si Jafar Gamo Sultan na may mga alyas na “Jaf” at “Kurot.”
Naaresto umano si Sultan sa ikinasang operasyon ng Joint Task Force Marawi gayundin nitong December 6 sa Barangay Dulay Proper sa Marawi City.
Si Sultan ay kasamahan ng isang alyas Omar, na siya namang tinukoy ng mga testigo na nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium habang nagsasagawa ng isang misa at inaalam pa kung konektado si Sultan sa Dawlah Islamiya-Maute.
Iniulat din ni Trinidad na narekober nila ang dalawang motorsiklo sa isinagawang operasyon habang patuloy pa ring tinutugis ang iba pang mga suspek sa pagpapasabog.
Una nang pinangalanan ng PNP sina Kadapi Mimbesa alyas “Engineer” at Arsani Mimbesa o alyas “Khatab” na kapwa miyembro ng Dawlah Islamiyah - Maute Group.
Magugunitang naganap ang pagsabog sa loob ng gymnasium ng MSU habang nagaganap ang isang misa na kung saan apat katao ang namatay at nasa 50 ang nasugatan.