MANILA, Philippines — Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang Pilipinong mangingisda matapos banggain ng bulk carrier vessel na MV Tai Hang 8 ang sinasakyang nakahintong bangka na FBCA Ruel J sa karagatan malapit sa Paluan, Occidental Mindoro nitong Martes ng hapon.
Nabatid na sakay ng FBCA Ruel J ang mga mangingisda nang banggain ng isang bulk carrier vessel na may flag ng China.
Agad na umaksyon ang Coast Guard Station (CGS) Occidental Mindoro nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa insidente nitong Disyembre 6 at nakipag-ugnayan sa may-ari ng bangka sa Puerto Princesa City, Palawan.
Isinagawa ang rescue operation malapit sa Pandan Island, Sablayan kung saan hinila ito ng mga Fishing Banca Joker, Fishing Banca Precious Heart at Fishing Banca Jaschene.
Ayon sa mga survivor, nasa ‘payao’ ang kanilang bangka nang banggain ng MV Tai Hang 8 at iniwang inaanod habang ang dayuhang sasakyang pandagat ay nagpatuloy sa paglalayag na tila walang nangyari.
Kabilang sa mga survivors sina Junrey Sardan, Ryan Jay Daus, Bryan Pangatungam, Cristian Arizala, at Joshua Barbas na pawang nakauwi na sa kani-kanilang pamilya.
Hindi pa naman matukoy ng PCG kung anong nationality ang mga sakay ng MV Tai Hang 8.
Nangako naman ang munisipalidad ng Sablayan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Sablayan ng karagdagang tulong upang suportahan ang mga survivors.
Pinayuhan naman ng PCG ang fishing banca na maghain ng marine protest.
Tiniyak din ng PCG na ang insidente ay maipaparating sa MV Tai Hang 8 flag state at Port State Control office sa pagsunod sa mga maritime incident procedures.