Mukha ng 2 suspek sa MSU bombing inilabas

MANILA, Philippines — Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang larawan ng dalawang person of interest (POI) na kabilang sa apat umanong suspek na nagpasabog sa gymnasium ng Mindanao State Universtiy (MSU) sa Marawi City noong Linggo na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 50 iba pa.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) chief at spokesperson Police Col. Jean Fajardo, ang mga POI ay kinilalang sina Kadai Mimbesa, alyas Engineer; at Arsani Membisa, alyas Khatab, kapwa mga mi­yembro ng Dawlah Islamiyah (DI) ay positibong tinukoy ng mga saksi na siyang pumasok sa gymnasium at humalo sa mga tao sa misa bago ang pagsabog.

Natukoy aniya ang mga suspek base na rin sa deskripsyon ng mga saksi na madali ring natunton ng mga otoridad sa rough gallery. May mga dati ng kaso ang dalawa sa Mindanao.

Sinabi ng mga saksi na pumasok ang dalawang suspek sa gymnasium ng MSU bandang alas-6:30 nang umaga habang idinaraos ang misa.

Bitbit umano ni alyas Engineer ang isang bag nang makihalo sila sa mga tao sa loob ng gym.

Nakita rin umanong lumabas ang dalawa sa gymnasium pasado alas-7:30 nang umaga. May hawak din umano si alyas Engineer ng cellphone at may tinawagan na posib­leng naging triggering device ng bomba..

Samantala, inaalam pa ng PNP ang pagkakakilanlan ng dalawa pang lalaki na kasama ng mga suspek na nagsilbi umanong lookout sa insidente.

Natagalan ang pagpapalabas ng litrato ng dalawang POI dahil sumailalim pa ito sa beripikasyon ng AFP. 

Show comments