MANILA, Philippines — Ipinakulong ng mga kongresista ang radio host na si Lorraine Badoy matapos umanong magsinungaling sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises nitong Martes.
Sa pagdinig, sinabi ni Sonshine Media Network International (SMNI) counsel Mark Tolentino na bukod sa P100,000 na buwanang sahod, si Badoy at ang kanyang co-host na si Jeffrey Celiz sa programang Laban Kasama ang Bayan ay may tig-25% sa kita mula sa mga advertisement.
Ang nalalabing 50% ay mapupunta naman umano sa SMNI, ayon kay Tolentino.
Tinanong ni Quezon Rep. David Suarez si Badoy kung anu-ano ang mga produktong may advertisement sa kanyang programa.
Matapos ang ilang ulit na pagtatanong, binanggit ni Badoy ang e-fuel, isang food cart, at Galileo water.
Pero dahil sa pagdududa ng mga kongresista, muling tinanong si Tolentino hinggil sa mga advertisement umano ng programa ni Badoy.
Humirit naman si Santa Rosa Rep. Dan Fernandez na hindi nagsasabi ng totoo si Badoy dahil taliwas ang kanyang sinabi sa isinumiteng dokumento ng SMNI sa Kongreso.
Dito na naghain ng mosyon si Manila Rep. Bienvenido Abante na i-cite in contempt si Badoy na sinegundahan naman ni Antipolo City Rep. Romeo Acop.