Termino ni PNP chief Acorda, pinalawig ni Marcos
MANILA, Philippines — Tuloy sa kanyang trabaho si Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. matapos na palawigin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang serbisyo hanggang Marso 31, 2024.
Ikinatuwiran ni Marcos sa kanyang desisyon ang matagumpay na pamumuno ni Acorda sa PNP mula nang italaga siya noong Abril ngayong taon.
Ipinabatid din kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abajos Jr. ang desisyon tungkol sa ekstensiyon ng serbisyo ni Acorda sa pamamagitan ng isang transmittal letter na may petsang Disyembre 1, 2023 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Naabot ni Acorda ang 56-anyos na compulsory retirement para sa PNP personnel nitong Disyembre 3, 2023.
Sa pagpapalawig ng serbisyo ni Acorda, binanggit ng Office of the President ang Executive Order No. 136, serye ng 1999, na kinikilala ang kapangyarihan ng Pangulo na aprubahan ang pagpapalawig ng serbisyo ng mga presidential appointees na lampas sa sapilitang edad ng pagreretiro dahil sa “exemplary meritorious reasons.”
Itinalaga ni Marcos si Acorda bilang ika-29 na nangungunang pulis sa panahon ng change of command ceremony sa Camp Crame, Quezon City noong Abril 24, 2023.
- Latest