MANILA, Philippines — Pilay na ang grupo ng kilabot na sindikato ng gun-for hire at robbery gang na umaatake sa Metro Manila at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas at Quezon province).
Ito ay makaraang mapaslang sa Cavite sa isang high-stakes encounter ng pulisya na pinangunahan ng Quezon City Police (QCPD) ang sinasabing notoryus na si Gelbirth Albios Puerto, 30-anyos, residente ng Kaunlaran Horseshoe Drive, Cavite City at isa umanong prominent leader ng “Bayawak Group”.
Ayon kay QCPD director Red Maranan ala-1:30 ng madaling araw ng Sabado ang mga operatiba mula sa DSOU at CIDU ng QCPD kasama ang Cavite Provincial Intelligence Unit (PIU), Las Piñas City Police at Bacoor City Police ay nagsagawa ng casing at surveillance laban kay Puerto alyas “Boss Bay”.
Si alias “Boss Bay” ay lider ng Bayawak at Gun-for-Hire group na may kinalaman sa sunud-sunod na robbery hold-up na ang target ay mga spas at convenience stores sa Metro Manila at Calabarzon.
Bandang ala-1:30 ng madaling araw, ayon kay Maranan nang maispatan ng mga operatiba si Puerto na lulan ng Honda Click na walang plaka sa harapan ng Nazareth Compound sa Brgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Nang malaman na may mga pulis na nasunod sa kanya, inihinto ng suspek ang dalang sasakyan at agad kinuha ang kanyang baril at saka pinaputukan ang mga pulis dahilan para magkabarilan na ikinabulagta ng nasabing suspek.
Narekober sa pinangyarihan ng barilan ang isang caliber 45 pistol na may 1 magazine na may laman na walong bala, isang extra magazine na may isang bala, anim na empty cartridges; at isang itim na Honda Click motorcycle.
Nauna rito, nagpahayag ng pagkatakot ang mga residente Las Piñas City dahil sa banta ng Bayawak Gang na maghahasik ng karahasan sa Talon 4, na nag-viral pa ang kanilang pagbabanta sa social media.