Magkapatid na babae tiklo sa P3 milyong shabu
MANILA, Philippines — Isang magkapatid na babae ang naaresto matapos makuhanan ng aabot sa P3 milyon halaga ng shabu sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa harap ng isang mall sa Brgy. Capantawan, Legazpi City, Albay, kamakalawa ng hapon.
Sinampahan ng kasong paglabag sa comprehensive dangerous drugs act of 2002 ang magkapatid na ang isa ay kinilalang si Sandra Aranil Floralde, nasa hustong gulang, na kasama sa PDEA drug watchlisted habang hindi na pinangalanan ang minor na babaing kapatid nito na isang estudyante, pawang residente ng naturang lugar.
Ayon kay PDEA-Albay provincial officer Intelligence Agent lll Noe Briguel, matagal nilang minanmanan ang iligal na operasyon ng mga suspek na pinaniniwalaang naimpluwensyahan ng kanilang ina na dating nakulong dahil rin sa iligal na droga na kalauna’y nasawi sa sakit sa loob ng kulungan.
Makaraang magpositibo sa test buy at sa tulong ng National Bureau of Investigation at Legazpi City Police Station, alas-3:00 ng hapon nang ikasa ang buy-bust at inaresto ang magkapatid nang iabot sa poseur buyer ang biniling droga.
Nabawi sa mga suspek ang boodle money na ginamit sa buy-bust at limang malalaking plastic sachet na may lamang shabu na tumitimbang ng 500-gramo at may streetvalue na P3 milyon.
- Latest