MANILA, Philippines — Isang bumbero ang naaresto ng mga otoridad sa entrapment operation dahil sa reklamo ng pangingikil sa aplikante sa Zamboanga del Sur.
Kinilala ang naarestong suspek na si Fire Officer 3 Jesson Albios Casanes, 35 nakatalaga sa Isabela City Fire Station, Isabela City, Basilan Province at residente ng Purok Malaumon, Barangay Poblacion, Malangas, Zamboanga Sibugay.
Sa report ni FCSupt.Renato Marcial, nakatanggap sila ng report hinggil sa operasyon ng suspek sa mga nagnanais na pumasok sa BFP.
Agad niyang pinaberipika ang impormasyon hanggang ikasa ang entrapment operation, alas-5:15 ng hapon sa Purok Crossing, Brgy.Sicade, Kumalarang, Zamboanga del Sur.
Dinakma ng mga otoridad si Casanes nang tanggapin nito ang extortion money na P400,000.00 mula sa isang BFP applicant upang matiyak na matatanggap ito sa ahensiya.
Ayon kay Marcial, hindi nila pinapayagan at kinokonsinte ang ganitong gawain. Aniya bahagi ito ng kanilang internal cleansing.