MANILA, Philippines — Nasa mahigit 1 milyong indibidwal ang apektado ng shear line at low pressure area (LPA) sa bansa habang 2 ang naiulat na nasawi.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kung saan ang mga nasawi ay mula sa Eastern Visayas. Isa rin ang sugatan dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa NDRRMC, nasa kabuuang 1,003,271 katao na mula sa 1,452 barangays sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga ang nasalanta.
Sa nasabing bilang, 48,411 katao o 17,671 pamilya ang nanatili sa 156 evacuation centers, habang nasa 32,699 katao o 9,357 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa labas ng evacuation centers o sa kanilang mga kamag-anak.
Bunsod pa rin ng shear line at LPA, 270 kabahayan ang nasira kung saan 225 dito ang partially damaged habang 45 ang totally damaged.
Batay sa assessment ng NDRRMC nasa P119,897,021 ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Isinailalim naman sa state of calamity ang Northern Samar kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan bunsod ng shear line.
Nasa mahigit 24,000 pamilya sa Northern Samar ang inilikas ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).