‘No ceasefire’ vs NPA, insurgent groups – AFP
Kahit may alok na amnesty si Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Nagdeklara ng “no ceasefire” ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa giyera laban sa communist insurgency sa kabila ng pagbibigay ng amnestiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga dating kasapi ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Army (CPP-NDF-NPA) at maging sa iba pang insurgent groups.
Sa ilalim ng ibinabang Proclamation 403 at 406 noong Biyernes ni Pangulong Marcos, binibigyan nito ng amnestiya ang mga communist rebels at insurgent groups na nagsipagbalik-loob sa gobyerno.
Inihayag ni AFP Spokesman Col. Medel Aguilar na bagaman at binibigyan ng oportunidad ng pamahalaan na magsisuko ang mga rebelde ay magpapatuloy ang kanilang isinasagawang opensiba laban sa mga kalaban ng gobyerno at hindi paawat sa paghahasik ng karahasan at terorismo.
“We will continue to conduct security patrol. Kasi ‘yung encounter po, nangyayari naman ito dahil sila ay nandyan at lumalaban,” pahayag ni Aguilar. Ayon sa opisyal ipinagpapatuloy ng AFP ang security patrol upang bigyang proteksiyon ang komunidad laban sa karahasan at iba pang mga bayolenteng aktibidades ng komunistang grupo at mga insurgent groups.
Sa panig ng Philippine Army, sinabi ng Commanding General Lt. Gen. Roy Galido na suportado ng kanilang hukbo ang pagbibigay ng amnestiya ng punong ehekutibo sa mga rebelde at insurgent groups sa buong kapuluan. Bukod sa NPA, kabilang pa rito ay ang Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, Moro Islamic Liberation Front, at Moro National Liberation Front.
- Latest