Ginang todas sa sumabog na paputok

Ang bangkay ni Rizza Villanueva, trabahador ng pagawaan ng paputok matapos sumabog ang ginagawa niyang kwitis na nagresulta sa pagkaputol ng kanyang kaliwang binti at pagkamatay.
Bocaue MDRRMO

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang 45-anyos na ginang nang maputol ang kaliwang binti nang sumabog ang kwitis sa pabrika ng pagawaan ng paputok, kamakalawa sa Sitio Dam, Brgy. Bunlo, Bocaue, Bulacan.

Ang nasawing  biktima ay kinilalang si Rizza ­Villanueva, 45, manggagawa ng paputok at naninirahan sa Sitio Bihunan, Brgy. Bunlo, Bocaue, Bulacan.

Sa imbestigasyon, alas-5:40 ng hapon habang gumagawa ng kwitis ang biktima sa Fireworks Trading Miracles Manufacturer na pag-aari ni Fe Camantang nang aksidenteng mag-spark ang nasabing kwitis na naging sanhi ng pagsabog ng nasabing pabrika.

Sinasabing naputulan ng kaliwang binti ang biktima dahil sa lakas ng pagsabog at nagawa pa itong maisugod ng Bulacan rescue sa Bulacan Medical Center, subalit idineklara na itong dead on arrival. Inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng natupok na pabrika na sinasabing imbakan ng mga nagawang paputok na ibebenta sana ngayong papasok ang Bagong Taon.

Show comments