MANILA, Philippines — Ikakasa ng Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng libreng sakay at ibang ahensiya ng gobyerno sa mga maaapektuhan ng tatlong araw na tigil-pasada na isasagawa ng transport group na PISTON simula sa Lunes (Nob.20) hanggang Miyerkules.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, mayroon silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga motorista gayundin sa mga pasaherong maaabala sa magaganap na tigil-pasada.
Gagamitin din ng PNP ang kanilang mga asset para makapagbigay ng libreng sakay.
Sinabi ni Fajardo na kailangang makapasok ang mga estudyante at manggagawa sa kanilang mga trabaho at umaasa ang PNP na magiging maayos ang tigil-pasada ng PISTON at hindi mangha-harass ng ibang PUV drivers na nais pumasada at kumita.
Una nang sinabi ng PISTON na ang kanilang tigil-pasada ay pagtutol sa itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle sa Disyembre 31.
Isinusulong kasi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing moderno at palitan na ang mga bulok na mga pampublikong sasakyan.
Bilang tugon, sinabi ni LTFRB spokesman Celine Pialago na magpapakalat ang kanilang hanay ng mga sasakyan para mag-alok ng libreng sakay.
Tiyak din aniya na may libreng sakay ang Metro Manila Development Authority (MMDA), ang local government units at iba pa.