Duterte pinapasagot ng korte sa kasong grave threats

Former president Rodrigo Duterte and former Cabinet officials reunited in a Christmas dinner held in Taguig City on December 6, 2022.
Photo / Bong Go

MANILA, Philippines — Pinadalhan na ng subpoena ng Quezon City Prosecutor’s Office si da­ting Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte upang sagutin ang kasong grave threats na inihain ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Sa subpoena na nilagdaan ni Quezon City Senior Assistant City Prosecutor Ulric Badiola, inatasan nito si Duterte na dumalo sa Office of the City Prosecutor sa Justice Cecilia Muñoz Palma Building (DOJ) sa Elliptical Road,Quezon City sa Disyembre 4 at 11, 2023, alas -2:30 ng hapon.

Kapag nagkataon, ito ang kauna-unahang haharap si Digong sa pag­­lilitis matapos namang magtapos ang termino nito bilang pangulo ng bansa.

Inatasan din ng korte si Digong na magsumite ng kaniyang counter-affidavit laban sa kasong grave threats na inihain ni Castro kasama ang affidavits ng kaniyang mga testigo at iba pang mga dokumento.

“No motion to dismiss shall be entertained.Only Counter-affidavit shall be admitted. Otherwise, Respondent/s is/are deemed to have waived the right to present evidence,” ayon sa inisyung subpoena at nilinaw rin na walang pagpapaliban dito maliban na lamang sa mga insidenteng mayroong  katanggap-tanggap na kadahilanan.

Pinadadalo rin ng QC Prosecutor’s Office si Castro at mga testigo nito upang patunayan ang katotohanan sa nasabing alegasyon hinggil sa kasong isinampa nito.

Magugunita na nag-ugat ang nasabing kaso matapos namang pagbantaan ni Digong si Castro na ang intelligence funds umano ay gagamitin niya upang ipapatay ang lady solon na umano’y may ugnayan sa makakaliwang grupong CPP-NPA na inihayag ng una sa SMNI television network sa lungsod ng Davao.

Show comments