MULING igigiit ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad uli ang ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Mula raw kasi nang alisin ito, dumami lalo ang pasaway na patuloy na lumalabag sa mga batas trapiko.
Isa rin ito sa nakikita ng MMDA na dahilan sa pagtaas sa bilang ng mga ilegal na gumagamit sa EDSA busway lane.
Aminado ang MMDA na hindi nila kakayanin ang 24/7 na pagbabantay sa mga malawak na lansangan sa Metro Manila kaya kailangan nila ang tulong ng teknolohiya.
Isa na dyan ang mga naitalagang mga camera sa mga lansangan na siyang nakakasaksi sa mga paglabag ng mga motorista.
Kung tutuusin, talagang malaking tulong ang NCAP na pumipigil pa rin sa mga korapsyon sa lansangan.
Pinatigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad nito nang maglabas sila ng temporary restraining order noong Agosto 2022.
Sa mga panahong yan talagang marami ang nagreklamo dahil nga sa taas ng kanilang bayarin sa mga paglabag.
Sa panahon ding yan marami ang nagsabing hindi pa plantsado nang husto ang mga panuntunan na pinagsisimulan ng kalituhan at kaguluhan.
Mahigit isang taon nang suspendido ang NCAP na sana nga eh napag-aralan na nang husto, lalo na ang mga aberya sa sistema bago ihirit ang panunumbalik nito.