Missing beauty queen, sinaktan ng nobyong Police Major — CIDG

Catherine Camilon in this photo posted on her Instagram on Jan. 7, 2023
catherine_camilon / Instagram

Ibinuko sa misis na may kabit…

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Catherine Camilon ay sinasaktan umano ng nobyong pulis na si PMajor Allan De Castro, isa sa suspek bago pa ito nawala.

Ito ang isa sa mga luma­la­bas sa imbestigasyon ng CIDG kaya nais ni Camilon na makipaghiwalay sa opisyal.

Ayon kay CIDG 4A Field Unit Investigator chief Police Col. Jacinto Malinao, may palitan ng text message sina Camilon at De Castro hinggil sa pananakit ng huli sa una lalo na kung ito ay lasing.

Ikinagalit din ni De Castro ang pagsusumbong ni Camilon sa misis nito na may babae ang opisyal.

Ang palitan ng text messages ay ipinadala ni Camilon sa kanyang bestfriend na si Vanessa na ini-screen shot naman ng huli na nga­yon ay hawak na ng pulisya.

Itinanggi naman ni De Castro na kasama niya si Camilon noong Oktubre 12 dahil nasa loob umano siya ng kampo ng mga oras na iyon.

Nabatid na muling kina­usap ng mga pulis ang ina ni Camilon at kapatid nito kung saan sinabi na si De Castro ang kakatagpuin nito noong Oktubre 12.

Kinasuhan ng  serious illegal detention at kidnapping si De Castro kasama si Jeffrey Magpantay at dalawa pang  John Does.

Samantala, may 17 piraso ng hibla ng buhok at 13 patak ng dugo ang nakuha sa inabandonang kulay pulang Honda CRV na pinaniniwalaang pinag­lipatan ng duguang katawan ni Camilon mula sa sasakyan nitong kulay gray na Nissan Juke.

Hinihintay na lamang nila sample na galing sa pamilya ni Camilon upang maisailalim sa DNA test ang mga nakuhang buhok at dugo.

Si De Castro ay nakatalaga sa Calabarzon PRO 4A, habang si Magpantay ay bodyguard/personal driver ni De Castro na positibo namang  itinuro ng dalawang saksi na nakakitang nililipat ang duguang katawan ng isang babae mula sa isang kulay gray na kotse patungo sa kulay pulang Honda CRV na walang plaka.

Show comments