Galing sa pamamanhikan
MANILA, Philippines — I dineklarang dead-on-arrival sa ospital ang apat na katao na sakay ng isang kotse nang sumalpok sa kasalubong na 10-wheeler dump truck sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay New Cabalan, Olongapo City, kamakalawa ng gabi.
Halos nayupi na parang lata ang kotse na naging dahilan ng matinding pinsala sa ulo at katawan ng mga nasawi na kinilalang sina Renz Tiu; Veronica Ng; Romnick Tiu; at Carlo Esguerra, kapwa residente ng Mariveles, Bataan.
Habang ang driver ng truck ay nasa kostudiya na ng pulisya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang banggaan, alas-8:00 ng gabi sa bahagi ng Iram, Jose Abad Santos Avenue ng nasabing barangay ay nakasakay ang apat na biktima sa isang Toyota Camry na may plakang XPR 424, na nanggaling sa bahay ng fiancée ng isa sa mga lalaking nasawi upang pagplanuhan ang kanilang kasal sa susunod na buwan.
Pauwi na ng kanilang bahay ang mga biktima at pagsapit sa pakurbadang kalsada sa naturang lugar ay paparating naman ang dump truck na may plakang CAK 1460 na minamaneho ng isang Domingo Faelanca Firmo, 56-anyos, residente ng Marilao, Bulacan at nasalpok ito.
Sa tindi ng pagkakasalpok ay pumasok sa ilalim ng truck ang kotse ng mga biktima na kung saan ay tumagal ng ilang oras bago nakuha ng emergency responders ang mga ito mula sa nawasak na kotse.
Kinailangan pang gumamit ng dalawang backhoe upang maiangat ang 10 wheeler truck at makuha ang mga biktima sa wasak na kotse.
Bagamat naisugod pa sa James Gordon Memorial Hospital ang mga biktima ay idineklara na itong dead-on-arrival ng mga doktor.
Nasa kustodiya ng pulisya ang hindi nasaktan na driver ng dump truck na kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide.