MANILA, Philippines — Kasong murder at theft ang isinampa ng pulisya laban sa tatlong suspek na sangkot sa pamamaril at pagpatay sa radio broadcaster na si Juan Jumalon sa Misamis Occidental noong Nobyembre 5.
Sinabi kahapon ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, ang reklamo ay inihain sa Prosecutor’s Office ng Misamis Occidental.
Dagdag niya, isang suspek pa lamang ang tukoy na ang pangalan, habang ang dalawang iba pa ay tinukoy bilang “John Does” sa complaint sheet.
Ipinaliwanag ng opisyal na dahil nagpapatuloy ang case build-up, tumanggi muna ang PNP na magbigay ng pangalan ng tinukoy na suspek.
Tumanggi rin siyang kumpirmahin kung ang tao sa computerized facial sketch na isinapubliko ng PNP ay ang kaparehong indibidwal na pinangalanan nila sa complaint.
Nitong Linggo, Nobyembre 5 ay binaril si Jumalon habang nagpoprograma sa 94.7 Gold FM sa Misamis Occidental.
Nauna nang sinabi ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na ang mga imbestigador ay may nakikitang apat na motibo sa pagpatay kay Jumalon.