MANILA, Philippines — Nasugatan ang apat na Filipinong marino matapos tamaan ng missile ng Russia ang kanilang cargo ship sa nasa Black Sea sa Ukraine. Ito ang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega.
Kabilang sa mga nasugatan ang kapitan ng barko, able seaman, deck cadet at ang electrician ng barko. Ang apat ay nasa bridge umano ng barko nang tamaan ng missile kung saan napilayan ng kaliwang kamay ang electrician.
Nauna nang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na tatlong Pinoy ang nasugatan sa naturang insidente.
Kaagad umanong ipinagbigay alam sa kaanak ng mga nasugatang biktima ang nasabing pangyayari at ligtas na sa kapahamakan. Base sa ulat ng Ukraine’s Operational Command South, tinamaan ng missile ang cargo ship habang pumapasok sa Black Sea Port sa Odessa region.
Ayon sa Infrastructure Minister ng Ukraine, ang cargo vessel na nasa ilalim ng bandila ng Liberia ay maghahatid sana ng iron ore sa China.