MANILA, Philippines — Isang babae na bumagsak at nabiktima ng isang sex trafficking syndicate sa Malaysia makaraang malinlang ng kaniyang illegal recruiter ang nakauwi na sa bansa.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI) na nakalapag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang 20-anyos na biktima nitong Nobyembre 8 at nakauwi na sa kaniyang pamilya.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, na-recruit ang biktima ng nakilala lang niya sa internet at pinangakuan siya ng trabaho bilang kasambahay sa Malaysia.
Una siyang bumiyahe sa Palawan kung saan siya sinamahan ng ilang suspek sakay ng isang sailboat patungo sa Kota Kinabalu kasama ang isa pang babae na na-recruit din.
Pagdating sa Malaysia, bumiyahe sila patungo sa isang hotel sa may bulubundukin ng bayan ng Sibu kung saan sapilitan silang pinagtrabaho bilang mga sex workers.
Sinabi ni Tansingco na ikinulong ang biktima, dumanas ng mahirap na kondisyon tulad ng hindi pagkain kapag tumatanggi siya sa utos ng mga bumihag sa kaniya.
Isang beses pinilit siyang magpalaglag nang mabuntis ng isa niyang kustomer.
Kinalaunan, inilipat siya sa isang hotel sa Bintulu hanggang sa dakpin siya ng mga otoridad ng Malaysia at ikulong.
Nasaklolohan naman siya ng Embahada ng Pilipinas sa Malaysia na siyang tumulong sa kaniya na mailabas ng kulungan at ma-repatriate.