MANILA, Philippines — Siyam na preso na nakaditine sa Custodial Jail ng Manila Police District- Station 1 (Raxabago) sa Tondo, Maynila ang nakatakas kahapon ng madaling araw.
Nangyari ang insidente, ala-1:30 ng madaling araw makaraang putulin ng mga bilanggo ang bahagi ng rehas na bakal.
Ayon kay MPD Dir. Col. Arnold Thomas Ibay, naaresto na ang lima sa siyam na nakatakas sa ikinasang manhunt operation kabilang sa mga muling nadakip ay sina Arnold Olino, MJ Tuazon, Jericho Andal, Albert Calayas, at Adriano Zilmar. Kasalukuyang pinaghahanap pa sina Gian Carlo Rayala, Jefferson Bunso Tumbaga, Master Cedric Zodiacal, at John Joseph Laguna.Habang nagpapatuloy ang manhunt operation para madakip ang apat pang preso.
Ang mga nakatakas na preso ay pawang may mga kasong illegal drugs, illegal possession ng baril at mga may warrant of arrest.
Agad naman tinanggal sa puwesto ang duty desk officer at mga bantay na pulis dahil sa insidente.