MANILA, Philippines — Kinondena ng United Motorcycle Taxi Community (UMTC) ang isang panukala sa Kamara na nagtutulak na ietsapuwera ang isang motorcycle (MC) taxi company mula sa tatlong taong pilot program ng pamahalaan.
Ayon kay UMTC representative Romeo Maglunsod na bakit pinapatay ni Manila Rep. Rolando Valeriano ang kabuhayan ng 6,500 pamilya kung makakalusot ang rekomendasyon nito sa Kamara.
Ayon sa grupo, na nagsagawa ng isang kilos-protesta kontra sa panukala ni Valeriano na alisin sa pilot testing ang MC taxi na Move It, isang napakalaking banta sa kanilang kabuhayan ang isinusulong ng mambabatas.
“Kung ipapasara niya ang Move It, mawawalan kami ng trabaho at papaano naman sila pakakainin?” tanong ni Maglunsod.
Umapela rin si UMTC representative Jet Cruz sa mga mambabatas na gamitin ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya para mabigyan ang MC taxi riders ng mga karagdagang oportunidad sa pamamagitan ng pagbubukas at pagpapasigla sa buong MC industry imbes na ipakopo lang ito sa iilang players sa bansa.
Naniniwala ang UMTC na bukod sa riders, makikinabang din ang commuters kung may iba’t ibang players sa MC taxi industry dahil anito’y lilikha ito ng kompetisyon na magpapamura ng pasahe at magpapaganda ng serbisyo.