MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 27,000 na pulis ang nakakalat ngayong Undas kung saan nasa 4,000 ang assistance help desk na ilalagay sa mga sementeryo.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO chief PCol. Jean Fajardo, tuluy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa mga lansangan at ilang vital installations sa bansa sa paggunita ng All Saints Day ngayon at All Souls Day bukas.
Pinayuhan naman ni Fajardo ang mga bibiyahe na ingatan ang mga dalang gamit at huwag na magdala pa ng malaking halaga ng pera.
Sinabi naman ni National Regional Police Office Office (NCRPO) Director PBGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na naka-deploy na rin sa iba’t ibang sementeryo ngayon hanggang sa Huwebes ang nasa 14,033 na pulis sa 127 sementeryo at columbaria sa Metro Manila.
Maging ang mga pangunahing kalsada at bus terminal ay babantayan din ng mga pulis upang matiyak ang seguridad ng publiko at mga mananakay na nais na humabol pauwi ng kanilang mga probinsiya.
Sinabi ni Nartatez na marami pa rin ang nais na samantalahin ang long weekend kaya doble ang ipinatutupad nilang pagbabantay at pag-ayuda sa mga biyahero.
Nabatid na may nakalaan ding 2,990 contingents mula Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection(BFP), MMDA, at Force Multipliers.
Sa ilalim ng “Oplan Kaluluwa,” una nang ininspeksiyon ni Nartatez ang ilang mga sementeryo na kinabibilangan ng La Loma Cemetery, Manila North Cemetery, San Juan Cemetery in Greenhills, Loyola Memorial Park at Bagbag Public Cemetery upang masiguro na malinis at ligtas ang mga magtutungo ngayon sa sementeryo.
Sinundan ito ng inspeksiyon sa NAIA Terminals, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Victory Liner, at Five Star Terminal sa Quezon City para sa mga mananakay.