P1.43 bilyon illegal vapes, nakumpiska sa Valenzuela!
Sa warehouse inspection ng BOC
MANILA, Philippines — Nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) ang may P1.428 bilyong halaga ng mga e-cigarettes o vapes sa isinagawang inspeksiyon sa isang bodega sa Valenzuela City kamakalawa.
Ipinaliwanag ni Customs Commissioner Bien Rubio na ang naturang P1.428 bilyong halaga ay ang total aggregate value ng humigit-kumulang sa 1.4 milyong piraso ng 10ml disposable vape na may estimated value na P700 milyon, sa P500 kada piraso at ang P728 milyong halaga ng excise tax, base sa P52 excise tax kada 1 ml ng e-cigarette o vape.
Sa inisyal na inspeksyon sa bodega na matatagpuan sa #18 Bagong Filipino Industrial Compound (BFIC), M. Gregorio St., Canumay West, Valenzuela City, nalantad ang humigit-kumulang sa 14,000 kahon na naglalaman ng tinatayang 1.4 milyong piraso ng 10ml disposable vape na may tatak na Flava.
Ang operasyon ay binigyan ng go signal ni Commissioner Rubio, sa pamamagitan ng inilabas na Letter of Authority (LOA), na may petsang Oktubre 26, 2023, base na rin sa impormasyong natanggap ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
“We received information last October 24, 2023 that a warehouse in Valenzuela City is being utilized as storage of voluminous illegally imported e-cigarettes or vape products without proper payment of correct duties and taxes,” ayon kay CIIS Director Verne Enciso.
Matapos na maberipika ang impormasyon at matukoy ang mga bodega, kaagad na humiling ang CIIS na mag-isyu ng LOA, na mag-aatas sa mga warehouse owner/ representative upang magpakita ng proof of payment ng duties and taxes at iba pang importation documents, na kinakailangan, para sa mga goods na matatagpuan sa loob ng bodega.
Ang grupo, na binubuo ng CIIS, Enforcement and Security Service-Port of Manila (ESS-POM), at Legal Service ng BOC, ay kaagad na nakipag-ugnayan sa Northern Police District (NPD) bago tumungo sa Barangay Canumay West.
Sa kanilang pagdating sa bodega, ang LOA ay tinanggap ni Mr. Merrill Opena, na siyang operations outsourced head ng mga nasabing bodega.
Sinabi ni Deputy Commissioner Juvymax Uy na ang mga may-ari at kinatawan ng bodega ay binigyan ng panahon upang magpakita ng mga kaukulang dokumento at patunay na nakapagbayad sila ng buwis. Kung wala ang mga naturang dokumento, mahaharap ang mga ito sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
- Latest