Bus drivers sa PITX, isinalang sa drug test

Ipinakikita ng ilang bus drivers ang mga urine samples na kanilang isinumite sa random drunk at drug testing na isinagawa ng MMDA, PDEA, at PNP sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kahapon upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero para sa Undas.–Ernie Peñaredondo
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nagsagawa ng random drug test ang mga ahensya ng gobyerno ang mga tsuper ng bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) bilang bahagi ng pagtitiyak sa kaligtasan ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Isinagawa ang drug test sa gitna ng sama-samang inspeksyon na ikinasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior and Local Government (DILG), National Capital Regional Police Office (NCRPO), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na wala namang nagpositibo sa mga tsuper na isinailalim sa drug test.

Sa naturang inspeksyon nitong Biyernes, nakapagtala ng 143,000 pasahero sa PITX. Inaasahan na lalo pa itong tataas sa pagdami pa ng mga pasahero na uuwi sa ka­nilang lalawigan para sa Oct. 30 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Undas (All Saints’ at All Souls’ Day).

Nagpakalat na rin ang MMDA ng nasa 1,448 tauhan bilang bahagi ng ‘Oplan Undas 2023,” sa mga transport terminals, habang nagsagawa na rin ng koordinasyon sa mga stakeholders sa trapiko.

Nasa 600 tauhan ng Metro Parkways Clearing Group ang itinalaga sa mga pangunahing sementeryo para mapa­natili ang kalinisan. Ipinosisyon naman ang mga tauhan ng Road Emergency Group sa mga pa­ngu­­nahing kalsada para umalalay sa mga motorista na magkakaaberya sa kanilang biyahe.

Show comments