Kandidato bawal gumamit ng ‘4ps’ - DILG
MANILA, Philippines — Habang kasagsagan ng kampanya para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE), nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga kandidato na bawal gumamit ng mga government “social services” tulad ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) para makakuha lang ng mga boto.
Sa isang news forum sa Quezon City, sinabi ni DILG National Barangay Operations Office Assistant Director Izza Marie Laurio na ang pamimili at pagbebenta ng boto ay hindi lamang sa pamamagitan ng pera kundi mga pekeng pangako.
“Huwag din natin gamitin ‘yung mga ganitong benepisyo ng gobyerno kasi ang vote selling and vote buying it’s not just monetary but also false promises,” saad ni Laurio.
Binigyang diin ng opisyal na malinaw na isang panunuhol ang vote buying gayundin ang mga pangako ng kandidato gamit ang mga social services ng gobyerno.
“Kapag nanalo ako, ganito ang ibibigay ko sa inyo, ganyan. So, it’s a form of bribery and form of vote buying na rin and vote selling,” dagdag pa ng opisyal.
Matatandaan na ang campaign period ay nagsimula nitong October 19 at magtatapos sa October 28 habang ang eleksyon ay itinakda sa October 30 mula 7 ng umaga hanggang 3 ng hapon.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Laurio ang mga kandidato na maging maingat sa kanilang pangangampanya dahil posibleng maharap sila sa mabigat na parusa sa sandaling mapapatunayan na nilabag ng mga ito ang probisyon ng batas.
- Latest