Influenza-like illness sumirit ng 45% ngayong 2023
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health (DOH) na ang kaso ng influenza-like illness (ILI) sa taong ito ay 45% na higit pa kaysa sa mga nakarehistro sa parehong panahon noong 2022.
Ayon sa DOH, 151,375 na kaso ng ILI ang naitala noong Oktubre 13. Sa parehong panahon noong 2022, ang bansa ay may 104,613 mga kaso.
Nagkaroon ng pinakamalaking pagtaas sa ILI mula Setyembre 3 hanggang 16 sa 26% ng sinundang mga linggo.
Nauna nang kinumpirma ng DOH na tumataas ang kaso ng influenza at COVID-19 dahil sa pagbabago ng temperatura sa panahon ng tag-ulan. Karaniwan na sa malamig na panahon kumakalat ang mga virus.
Maaari rin umano na ang pagkakatukoy sa mas maraming kaso ng ILI ay dahil sa pagtatapos ng pandemya sa COVID-19 kaya mas nakakapokus ang mga health offices sa pagbabantay sa ibang mga sakit ngayong taon.
Nangako naman ang DOH na magpapatupad ng mahigpit na surveillance o pagsubaybay sa mga kaso habang nagpaalala sa publiko ng ibayong pag-iingat dahil sa inaasahan pang lalong tataas ang bilang ng mga kaso ng ILI.
- Latest