Kampanya ng BSKE arangkada na
MANILA, Philippines — Arangkada na ngayong araw ang kampanya para sa nalalapit na 2023 Barangay/Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Nabatid na tatagal ang panahon ng kampanyahan ng 10-araw o hanggang sa Oktubre 28.
Nagpaalala naman ang Commission on Elections (Comelec) na hindi na pinapayagan ang mga kandidato na mangampanya sa Oktubre 29, na bisperas ng eleksiyon hanggang sa Oktubre 30, na mismong araw ng halalan.
Batay sa tala ng Comelec, mayroong 1,414,487 aspirants ang inaasahang magsisimula nang mangampanya ngayong araw.
Kabilang dito ang 96,962 na kumakandidato para sa pagka-barangay captain; 731,682 para sa miyembro ng Sangguniang Barangay; 92,774 ang aspirants para sa Sangguniang Kabataan chairman at 493,069 naman para sa SK council.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala si Comelec Chairman George Erwin Garcia sa mga kandidato na istriktong tumalima sa mga election laws hinggil sa campaign expenditures upang makaiwas sa diskuwalipikasyon at parusa kung mapatunayang guilty.
Kailangan din aniya ng mga ito na magsumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) matapos ang eleksiyon.
Ayon kay Garcia, ang bawat kandidato ay pinapayagan lamang na gumastos ng P5 kada rehistradong botante.
Nagpaalala rin ang poll chief hinggil sa pagtalima sa mga prohibisyon laban sa pamamahagi ng mga shirts, ballers, caps at iba pang bagay na may halaga.
Pinayuhan din niya ang mga tagasuporta ng mga kandidato na huwag magsuot ng t-shirt na may larawan ng kanilang kandidato upang makaiwas sa diskuwalipikasyon sa halalan.
Nabatid na nakatakda rin namang ilunsad ng Comelec ang isang nationwide “Operation Baklas“ simula Oktubre 20 hanggang 27, upang tanggalin ang mga campaign materials na hindi tumatalima sa mga ipinatutupad na panuntunan ng poll body. Ang 2023 BSKE ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30.
- Latest