MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng implementing rules and regulations (IRR) ng kontrobersyal na Maharlika Investment Fund.
Ito ay matapos na ilabas ang memorandum ng Office of the Executive Secretary na may petsang Oktubre 12 ang suspensyon ng IRR ng naturang batas sa Bureau of Treasury, Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Nakasaad sa memorandum na nais ni Pangulong Marcos Jr. na magkaroon muna ng mas mahaba at malalim na pag aaral sa naturang batas.
Bukod dito, nais din ng pangulo na malinaw na mailatag muna ang mga safeguards para maging bukas ito o transparent at magkaroon ng pananagutan o accountability.
Matatandaan na nasa P50 bilyon ang inilagak ng Land Bank sa Maharlika habang P25 bilyon naman ang inilagak ng DBP.
Pinuri naman ni Senate Minority leader Koko Pimentel ang pagsuspinde sa pagpapatupad ng MIF law dahil nagpapakita lang umano ito na nakikinig sa katwiran ang administrasyong Marcos.
Iginiit pa ni PImentel na sa simula ay marami nang depekto ito at hindi naman napag-aralang maigi ang konteksto nito kaya hindi handa ang batas para sa implementasyon.
Isa si Pimentel sa nagpetisyon sa Korte Suprema na unconstitutional ang MIF law, kasama rin si Senador Risa Hontiveros at mismong kapatid ng pangulo na si Senador Imee Marcos ang tutol dito noong isinulong sa Senado.