MANILA, Philippines — Isang pulis at sibilyan ang nasawi habang sugatan ang nakabarilan na pulis sa naganap na barilan sa loob ng restobar sa Brgy. District 2, Tumauini, Isabela, kamakalawa.
Kinilala ang nasawing pulis na si Pat. Jackson Acosta, 25, binata at kasalukuyang nakadestino sa Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, at residente ng Brgy. Rizal, Delfin Albano, Isabela;at sibilyan na si Donnie Cullado.
Sugatan naman si PCpl Neil Baquiran, 33, nakatalaga sa Santiago City Police Station, at residente ng Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela at waiter na si Anacleto Arugay, 23, ng Canzan, Cabagan, Isabela
Lumilitaw sa pagsisiyasat, ala-1:00 ng madaling araw nitong Lunes nang maganap ang insidente sa loob ng isang restobar sa Brgy. Rizal, Tumauini.
Nag-iinuman sa resto bar ang grupo ni Baquiran nang lumapit ito sa mesa ni Acosta kasama ang isa pang lalaki.
Dito ay bigla umanong binunot ni Acosta ang service firearm, subalit mabilis na naagaw ni Baquiran at nagpambuno.
Muling nakuha ni Acosta ang baril at walang habas na pinaputukan si Baquiran at kasamahan nito at gumanti ito ng putok na ikinasawi nina Acosta at Cullado.
Inaresto ng mga rumespondeng pulis si Baquiran at kinumpiska ang Glock 9mm na issued service firearm nito gayundin ang Taurus 9mm na issued firearm ni Acosta para sa ballistic examination.