Higit P8 milyong droga nadiskubre sa kuwarto
MANILA, Philippines — Isang naaagnas na bangkay ng babae ang natagpuan sa silid ng inuupahang apartment sa isang subdivision sa Brgy. Tanauan, Tanza, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni P/Major Dennis Villanueva, hepe ng pulisya ng bayang ito na ang natagpuang bangkay ng babae ay inilarawan na nasa 30-35 anyos, katamtaman ang pangangatawan na naaagnas habang ito ay nakatihaya sa silid nang makita ng mga rumespondeng pulis sa Phirst Park Subdivision.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang mga nakaselyadong plastic sachets na umano ay shabu na may timbang na 1.2 kilo na nagkakahalaga ng P8,160,000 sa kabilang silid ng biktima.
Nabatid na ang nasabing apartment ay nirerentahan ng halos taon na ng isang Nigerian citizen na hindi matagpuan sa lugar nang dumating ang mga pulis sa crime scene kaya’t kinukonsidera nila na person of interest. Idinagdag pa ni Villanueva na walang senyales na nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng apartment at walang saksak o tama ng bala na nakita sa katawan ng biktima.
“Amin pang hinihintay ang resulta ng forensic unit team ng dahilan ng pagkamatay ng babae na kung saan ay may naganap na inuman dahil sa daming bote ng alak sa lugar,” wika ni Villanueva.
Inaalam din ng pulisya ang nakuha nilang impormasyon na maraming bumibisitang iba’t ibang babae sa nasabing bahay na inuupahan ng banyaga.