Tigil-pasada ng MANIBELA, arangkada ngayon

Nagsagawa ng presscon sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos; Land Transportation Office LTO Atty. Vi­gor Mendoza; Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes, kasama ang Magnificent 7 transport group na nagsabi na hindi sila lalahok sa tigil-pasada ngayong araw ng Manibela.
Jesse Bustos

Minaliit ng DILG…

MANILA, Philippines — Arangkada ngayong araw ang tigil-pasada na ikina­sa ng gru­pong Mala­yang Alyansa ng Bus Emplo­yees at Laborers (MANIBELA).

Ito ay kasunod nang kan­selasyon sa dapat sa­na’y pakikipag-usap ng ka­nilang grupo sa Pa­­lasyo ng Malacañang kahapon ng hapon.

Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, personal niyang ipinakansela ang pulong dahil na rin sa isyu sa ilang taong tinawag pa niyang korap.

Ibinunyag ni Valbuena na may mga taong ayaw maayos ang isyu dahil baka mabuking ang kanilang mga kalokohan.

Tumanggi naman muna si Valbuena na pa­ngalanan ang mga ito at sinabi sa panayam sa radyo na, “Tsaka ko na sasabihin [kung sino sila], malapit na. Mga corrupt talaga ito.”

“‘Yun lang ang naba­litaan na may meeting, hinarang na. Sangkot siguro ‘to sa anomalya. Kilala ko sila, binanggit sa’kin. Pero hindi ko muna sasabihin… Ako na nag-request na mag-cancel kung ganoon ang isyu nila,” dagdag pa niya.

Minaliit naman ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang ikinasang tigil-pasada ng grupong MANIBELA.

Sa ginanap na press conference kasama ang transport groups na  Magnificent 7  at UV Express Group, na kilala rin bilang Mighty One, sinabi ni Abalos na hindi lalahok ang mga ito sa transport strike at nasa 95% na mga pampublikong sasakyan ang papasada.

Ang Magnificent 7 ay binubuo ng Pasang Masda, the Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap), Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (Piston), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), Stop and Go, at Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP).

Bagama’t walang epekto ang transport strike, may mga paghahanda pa ring ginagawa ang iba’t ibang ahensya tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Department of Transportation (DOTr), at ang Philippine National Police (PNP).

Show comments