Sa ‘24-oras ultimatum’ sa Gaza
MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Speaker Ferdinand Martin Romualdez at iba pang mambabatas sa pamahalaan para sa agarang repatriation o pagpapauwi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa digmaan ng Israeli forces at ng Palestinian Hamas militants sa Gaza.
Ito ay matapos ang 24-oras na deadline ng Israel government para magsilikas sa Gaza.
Kasabay nito, sinabi ni Romualdez na bibigyan niya ng tulong pinansiyal na panibagong P500,000 mula sa kaniyang personal na pondo ang pamilya ng ikatlong Pinoy na nasawi sa pag-atake ng Hamas militants doon. Una nang nagbigay ng P1milyong ayuda si Romualdez at maybahay nitong si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez sa pamilya ng dalawang Pinoy na naunang kinumpirma ng DFA na nasawi sa Israel na naipit sa kasagsagan ng kaguluhan doon.
Ayon kay Romualdez, lubha siyang nababahala sa kaligtasan at kalagayan ng mga Pinoy doon at sinabing kailangang umaksyon na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) upang isaayos ang pagpapauwi sa bansa ng mga OFWs sa Israel at Hamas-run Gaza strip.
“What we’ve learned from DFA and credible news sources is that more than a hundred OFWs are eager to return to the Philippines,” punto ng House Speaker na sinabing nagtitiwala rin siya sa kahandaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng C130 aircraft para ibiyahe ng ligtas pabalik sa bansa ang nasabing mga OFWs.
Base sa pinakahuling impormasyon mula sa DFA, sa kabuuang 131 Pinoy sa Gaza, 92 ang nagpahayag ng kagustuhang umuwi na lamang sa Pilipinas habang sa Israel ay 22 Pinoy naman ang humiling na makauwi na sila nang ligtas sa Pilipinas.
Inihayag pa ni Romualdez na ang “mercy flights” ay hindi magla-landing ng direkta sa Israel manapa’y sa mga alternatibong lokasyon tulad ng Egypt o Jordan.