MANILA, Philippines — Hindi na umano sasampahan ng Antipolo City Police ng kasong homicide ang isang guro na nanampal sa kanyang estudyante, na kalaunan ay binawian ng buhay.
Ito’y matapos na lumitaw sa isinagawang pagsusuri ng mga forensic experts na walang kinalaman sa pagkamatay ng Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib, 14, sa ginawang pananampal sa kanya ng guro sa loob ng kanilang silid-aralan noong Setyembre 20, matapos lamang nitong isumbong ang pag-iingay ng kanyang mga kaklase.
Nilinaw naman ng pulisya na bagama’t hindi na kakasuhan ng homicide, ikinukonsidera pa rin nilang sampahan ang guro ng kasong child abuse dahil sa umano’y ginawang pananakit sa estudyante.
Una nang sinabi ng PNP Forensic Group na isang rare condition ang dahilan kaya nagdugo ang utak ng binatilyo na dahilan ng kaniyang pagpanaw.