4 menor de edad na holdaper, arestado
MANILA, Philippines — Apat na menor de edad na kalalakihan ang naaresto matapos nilang holdapin ang isang lola nitong Martes ng madaling araw sa Navotas City.
Kasalukuyang nasa Navotas-Bahay Pag-asa ang apat na menor de edad habang inihahanda ang mga dokumento para sa isasampang kaso.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg. Edison Mata, nangyari ang insidente, alas-2:00 ng madaling araw sa Pama-Sawa Bridge, Brgy. NBBS.
Sakay ng e-bike si Lourdes Tuazon ng Blk-13, L25, PH2 A3, Dagat-Dagatan, Brgy. Longos, Malabon City patungong Divisoria nang tutukan ng patalim ng 17-anyos na isa sa mga suspek habang pinagkukuha naman ng tatlong iba pa ang bag ng biktima na naglalaman ng pera, mga alahas, cellular phone at iba pa.
Tiyempong nagpapatrolya naman ang mga pulis na sina PCpl. John Castillo at PCpl. Abdallah Odero ng Navotas Police Sub-Station 4 at nakita ang pangyayari.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at nabawi ang mga gamit ng biktima at patalim.
Sinasabing sangkot din ang mga ito sa serye ng panghoholdap sa mga estudyante sa C-3 Road at Pama-Sawata.
- Latest