MANILA, Philippines — Payag ang grupo ng pampasaherong jeep sa P2 na taas-pasahe kung ito lamang ang kayang ibigay ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa halip na hiling nilang taas-pasahe na P5 minimum at P1 sa succeeding kilometer.
Ayon kay Ka Obet Maranan, Pangulo ng Pasang Masda, Liberty de Luna, Presidente ng ACTO at Boy Bargas, Presidente ng ALTODAP na aprub sa kanila kahit P2 ang ibigay na dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeep dahil magdudulot naman ito ng P400 dagdag-kita kada araw ng bawat driver at operator ng jeep.
Anya ang rollback din sa presyo ng diesel nitong Martes ay nagdulot ng dagdag P1 taas sa kanilang kita sa kada araw na pasada.
Binigyang diin ng tatlong grupo na inaalala rin naman nila ang kalagayan ng mga commuters kaya payag sila na mas mababa sa P5 ang maibigay sa kanilang taas-pasahe sa jeep.
Sa ngayon ay naniningil ang mga pampasaherong jeep nationwide ng dagdag P1 sa minimum na pasahe o P13 minimum pasahe na ngayon sa tradional jeepney at dagdag P1 sa mga airconditioned jeep o P14 minimum fare na ngayon sa airconditoned passenger jeep.
Tanging provisional na P1 fare increase muna ang naibigay ng LTFRB sa mga PUJ habang pinag-aaralan ang P5 fare hike petition ng mga pampasaherong jeep.
Sa Nobyembre pa magpapalabas ng desisyon ang LTFRB hinggil dito.