MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Jordan sa kanilang counterparts sa Israel at Egypt para matukoy kung saan maaaring lumabas ang mga Pilipino na gustong umalis sa Gaza.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos na sa pinakahuling bilang ay 15 Pilipino mula sa Gaza ang nais ng repatriation dahil nanganganib na ang kanilang buhay dahil sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng pwersa ng Israel at militant group na Hamas.
Idinagdag pa ni Santos na ang repatriation plan para sa mga Filipino ay sa pamamagitan ng exit point sa tabi ng Israel, habang ang alternatibo ay sa Egypyt.
Subalit kailangan umano ng clearance mula sa mga otoridad ng Israel at Egypt para makadaan sa naturang mga bansa.
Ang pagtigil umano ng bakbakan ang kailangan para magarantiyahan ang ligtas na pagdaan ng mga sibilyan lalo na ang mga Filipino at iba pang lahi.