Dahil sa isyu ng korapsyon
MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga isyu ng alegasyon ay pinasususpinde ni Senador Grace Poe sa Department of Transportation (Dotr) ang implementasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Poe, nais niya na gawing moderno ang public utility vehicles (PUVs) subalit dapat umano ito ay progreso, matuwid at makatao.
Nakakalungkot umano na hindi na makausad nang maayos ang PUVMP dahil sa iba’t ibang isyu at nabahiran pa ito ng korapsyon.
Kung sakaling totoo umano ang mga alegasyon ay hindi ito makatarungan sa mga driver na nawalan ng kabuhayan dahil pinaboran pala ang mga naglalagay.
Dahil dito kaya dapat managot ang mga nagkakamaling opisyal dahil sa umano’y pagnanakaw sa kritikal na programa sa sektor ng transportasyon.
Umaasa naman si Poe na habang iniimbestigahan ang mga sangkot sa nasabing alegasyon ay inaayos din ang modernization program na magpapabuti sa kabuhayan ng mga drayber at magbibigay ng maayos na serbisyo sa mga commuter.
Ang panawagan ni Poe ay ginawa sa gitna ng umanoy anomalya sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ibinunyag ni Jeff Tumbado na dating head executive assistant ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III.