MANILA, Philippines — Nakatakdang imbestigahan ng Kongreso ang umano’y sunud-sunod na pagpasok ng bilyun-bilyong pisong halaga ng droga sa bansa.
Ngayong araw, Oktubre 9 ay magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang House Committee on Dangerous Drugs hinggil sa sunud-sunod na pagpasok ng bilyun-bilyong halaga ng droga sa bansa nitong mga nagdaang araw at linggo.
Magugunita na Oktubre 4, naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang 323 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon na nakasilid sa isang shipment ng beef jerky galing sa bansang Mexico.
Inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng Dangerous Drugs, na alamin kung bakit sunud-sunod ang pagpasok ng droga sa bansa at kung sino ang mga nasa likod nito.
Noong nakaraang buwan ay 538 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon ang nasabat sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga at una dito ay 200 kilos ng shabu na nagkakahalaga rin ng P1.2 bilyon ang nadiskubre sa loob ng abandonadong kotse sa Mabalacat, Pampanga.
Humingi ng agarang imbestigasyon si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. na taga-Pampanga na kailangan matuldukan at isipin na ang Pampanga ang bagsakan ng droga sa bansa.
Base sa datos ng PDEA, umaabot na sa higit P22 bilyon ang nakukumpiskang droga ng ahensya simula nang maupo si Pangulong Marcos hanggang sa kasalukuyang panahon.