Parak sinibak sa pagpahinto sa daloy ng trapiko sa Commonwealth
Inakalang convoy ni VP Sara ang daraan
MANILA, Philippines — Inalis sa pwesto ang isang pulis na nagpatigil ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para sa umano’y pagdaan ng convoy ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Holy Spirit Police Station commander Lt.Col. May Genio, pinatanggal na niya sa puwesto si Sergeant Verdo Pantallano matapos mag-viral ang video nito sa social media.
“I have ordered the relief of my policeman and put him under investigation to determine administrative liability for his actions. We assure the public that this incident will not happen again,” ani Genio.
Humihingi rin ng paumanhin ang Quezon City Police District (QCPD), dahil sa kalituhan sa panig ni Pantallano na noo’y nagmamando ng daloy ng trapiko.
“We would like to apologize for the inconvenience we have brought to the motoring public due to the stopping of the traffic flow along Commonwealth westbound,” anang QCPD.
Ayon sa QCPD, nag-“overreact” umano si Pantallano at pinatigil ang daloy ng trapiko “as a sign of courtesy and security” nang magkamali siya ng dinig sa salitang “VP” at inakalang si Vice President Sara Duterte ang daraan sa lugar.
Subalit,wala roon si Duterte dahil nasa Agusan del Norte ito mula pa noong Miyerkules.
Ipinaabot din ni Pantallano ang kanyang sorry kasabay ng pahayag na inakala niyang si VP Sara ang tatawid sa Commonwealth.
- Latest