MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad ang isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) at dalawa nitong kasama sa naganap na engkwentro sa Barangay Cagay, Leon, Iloilo nitong Biyernes.
Kinilala ang nasawing NPA lider na si Rebecca Alfaro, alias Jing, secretary ng Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay (SF, KR-P).
Si alyas Jing ay may kasong attempted murder at paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) at Anti-Terrorism Act of 2020, ang responsable sa pagpaplano at pagsasagawa ng terrorist activities ng NPA sa Panay, kabilang ang paglikida sa mga impormante, at pagsusunog ng construction equipment.
Habang ang kanyang dalawang kasamahan ay kinilalang sina: Jimmy Macuana, alias Dennis, member, Suyak Platoon, SF, KR-P at Gerly Tejeros alias Elay, 2nd Deputy Secretary, Education/Medical Staff of SF, KR-Panay.
Binati ni 3rd Infantry “Spearhead” Division Commander Maj. Gen Marion R Sison ang mga tropa ng 61st Infantry (Hunter) Battalion sa matagumpay na operasyon, kasabay ng pagsabi na ang pagkakanutralisa kay alyas “Jing” ay hudyat ng napipintong katapusan ng mga teroristang komunista sa Panay.