MANILA, Philippines — Sa Martes (Oktubre 3) ay ilalabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang desisyon kaugnay ng inihaing petisyon ng iba’t ibang grupo na dagdagan ang pamasahe sa mga Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) at Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) bunsod ng walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Inatasan ng LTFRB na magsumite ng kanilang supplemental petition sa loob ng limang araw ang Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide, Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) upang maisapinal ang kanilang panukala.
Ito ay matapos linawin nina LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III kung ang hirit ng mga nasabing grupo na P5.00 taas-pasahe sa kada unang apat (4) na kilometro at P1.00 provisional fare increase ay para lamang sa mga PUJ sa Metro Manila.
Nais ni Guadiz na magsumite ng pinal na petisyon ang naturang transport groups upang mas maging malinaw kung anong uri ng pampublikong sasakyan at saang lugar nila nais ipatupad ang taas-pasahe.
Kinakailangan din aniya na makuha ng LTFRB ang komento ng mga stakeholder sa sektor ng mga commuters at ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang tuluyang makabuo ng desisyon ang ahensya.
Binusisi na rin ng LTFRB ang petisyon ng Angat Tsuper Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (STOP & GO), Inc. at Federation of Jeepney Operators & Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na P2.00 dagdag-pasahe sa mga TPUJ sa buong bansa.