MANILA, Philippines — Isang lalaki na umano’y humalay at pumatay sa 3-anyos na batang babae ang nasawi nang makipagbarilan sa mga pulis na aaresto sa kanya, kamakalawa sa Brgy. Kuden, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Kinilala ang nasawing suspek na si Rolando Baylon, Sr.
Ayon kay Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, na bago ang shootout ay nasukol muna ng mga pulis ang suspek matapos ang ginawang krimen.
Nang ito ay aarestuhin na ay binunot nito ang kanyang kalibre 45 baril kaya naman inunahan siya ng mga pulis na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Naganap ang insidente ilang oras lang matapos mag-ulat sa Senator Ninoy Aquino Municipal Police Station ang mga residente ng Brgy. Kuden hinggil sa panggagahasa at pagpatay ni Baylon sa 3-anyos na batang babae.
Sa ulat ng pulisya, sapilitang tinangay ni Baylon ang bata sa isang liblib na lugar sa nasabing barangay kung saan kanya itong inabuso bago pinukpok ng malaking bato sa ulo na sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.
Nabatid din sa pulisya na dati ng nakulong ang suspek sa iba’t ibang mga kasong kriminal, kabilang na ang pagpatay sa kapitbahay na nauwi sa aregluhan kaya nakalaya.