MANILA, Philippines — Inihatid na kahapon ng umaga sa kanyang huling hantungan ang mga labi ni dating Marikina Mayor Bayani Fernando na dinagsa ng mga kaanak, kaibigan at mga taga-suporta ang Loyola Memorial Park-Marikina.
Bago tuluyang inilagak ay isang banal na misa muna para sa yumao ang idinaos sa Queen of Angels Chapel sa Riverbanks, Marikina City, alas-7:00 ng umaga, sa pangunguna ni Rev. Fr. Lamberto Ramos, na shrine rector ng Diocesan Shrine at parish administrator ng Parish of Our Lady of the Abandoned.
Matapos na makapagbigay ng mensahe at pasasalamat ang mga pamilya ng yumao ay nag-alay sila ng bulaklak, at nagsagawa na ng isang funeral parade at procession, alas-9:00 ng umaga patungo sa Loyola Memorial Park.
Inalayan din si Fernando ng 21-gun salute ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), na sinabayan ng pagpapatunog ng mga sirena, bilang parangal kay Fernando at alas-10:00 ng umaga nang tuluyan siyang ilagak sa kanyang huling hantungan.
Matatandaang Biyernes ng tanghali nang mamatay si Fernando, 77-taong gulang matapos na maaksidente sa kanyang tahanan.
Bukod sa pagiging alkalde, naging kinatawan din si Fernando ng Marikina sa Kongreso, nagsilbi rin bilang chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).