PNP handang tumulong sa imbestigasyon ng cyber attack sa PhilHealth
MANILA, Philippines — Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) para tumulong sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito’y makaraang makaranas ng pag-atake ng isang ransomware na may pangalang MEDUSA ang state insurer nitong weekend kung saan, hinihingan ito ng humigit kumulang P17 milyon kapalit ang nakuhang datos.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, mayroon nang sapat na kasanayan at karanasan ang kanilang Anti-Cybercrime Group o ACG para tumugon sa ganitong sitwasyon.
Nabatid na hawak umano ng naturang malware ang mahahalagang impormasyon ng PhilHealth mula sa member data, issuances at memo ng state insurer.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Fajardo na ginagawa nila ang lahat upang mapangalagaan ang kanilang datos lalo’t makailang beses na rin silang naging biktima ng pag-atake ng mga cybercriminal.
- Latest