Dagat ‘binakuran’ ng China Coast Guard

Fishermen check the floating barriers installed by the Chinese Coast Guard (CCG) at the passage heading to Scarborough Shoal in the West Philippine Sea.
STAR/Michael Varcas

Pinoy fishermen ‘no entry’ na sa bahagi ng West Philippine Sea…

MANILA, Philippines — Literal na binakuran na ng China ang karagatang bahagi ng Bajo De Masinloc (BDM) sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay batay sa mga litratong inilabas ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa mga larawan ay makikita ang tinatawag na floating barriers na nakaladlad sa naturang bahagi ng WPS kaya hindi umano makapasok ang mga mangingisdang Pinoy para makahuli ng mga isda.

Ang WPS na nasa bisinidad ng Pilipinas ay sinasabing matagal nang pinagpipiyestahan ng China kung ang mga larawang naglalabasan ang pagbabatayan.

Mariin  itong kinondena ng PCG at Bureau of Fishe­ries and Aquatic Resources (BFAR) ang paglalagay ng China Coast Guard (CCG) ng floating barrier sa Southeast portion ng BDM, na pumipigil sa mga Filipino Fishing Boats (FFBs) sa pagpasok sa shoal at pagkakait sa kanilang mga aktibidad sa pangingisda at kabuhayan.

Ang floating barrier na tinatayang 300 metro ang haba ay natuklasan ng mga tauhan ng PCG at BFAR sakay ng BRP Datu Bankaw nang magsagawa sila ng routine maritime patrol noong Setyembre 22, 2023 sa paligid ng BDM.

Tatlong (3) Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) ng CCG at service boat ng Chinese Maritime Militia ang naglagay ng floating barrier pagdating ng BFAR vessel sa paligid ng shoal.

Iniulat ng mga Pilipinong mangingisda na ang CCG vessels ay laging naglalagay ng floating barriers tuwing namomonitor ang malaking bilang ng mangingisdan Pinoy sa baybayin.

Inakusahan ng mga crew ng CCG na ang presensya ng BFAR vessel at mga mangingisdang Pilipino ay lumabag sa international law at sa mga lokal na batas ng People’s Republic of China (PRC).

Show comments