MANILA, Philippines — Makakahinga na nang maluwag ang mamamayang apektado sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal matapos ihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nawala na ang “vog” na bumabalot sa bulkan kahapon.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, malinaw nang nakikita ngayon ang view ng Bulkang Taal dahil wala nang vog na bumalot sa may Caldera nito makaraan ang halos “zero visibility” sa lugar nitong Huwebes at Biyernes dahil sa vog o smog.
Sa kabila nito, sinabi ni Bacolcol na nananatiling banta ang pagkakaroon ng vog sa may bulkan hangga’t naglalabas pa ito ng asupre.
Nabatid sa Phivols na Sabado ng umaga, nagluwa ang Bulkang Taal ng 2,730 tonelada ng asupre at may upwelling ng mainit na volcanic fluids mula sa Main Crater Lake na nagdulot ng vog.
Nagkaroon din ng malakas na pagsingaw ang bulkan na may 1,800 metrong taas na napadpad sa hilagang-silangan. Kinakitaann din ito ng pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera na may panandaliang pamamaga sa hilagang bahagi ng Taal Volcano Island (TVI).
Bunsod nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa TVI lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures at sa pamamalagi sa lawa ng Taal.
Pinagbabawal din ang paglipad ng anumang eroplano malapit sa tuktok ng bulkan dulot ng bantang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.
Sa kabila ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkan, nananatiling nasa alert level 1 ang Bulkang Taal.